MANILA, Philippines – Huhulihin na ang lahat ng trucks na walang franchise mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ayon kay Atty. Anna Salada, spokesperson ng LTFRB ay dahil paso na kahapon ang provisional authority (PA) na ginagamit ng ibang truck para makapasada. Anya, wala ng extension na ibibigay ang LTFRB para sa mga truck.
Bunga nito, ang lahat ng truck na inaaplay ng franchise na nakakapasada lamang dahil sa PA ay hindi na muna maaaring magamit sa lansangan.
Sabi ni Salada, naibigay na ng LTFRB ang lahat ng options upang maisalegal ang operasyon ng mga trucks owners at operators kaya umaasa silang maaayos lahat ang operasyon ng kanilang sasakyan.
Sa record, may 28,000 trucks ang napasada sa Metro Manila at karatig lalawigan. Umaabot sa P200,000 ang multa sa bawat colorum truck.