DSWD iipitin sa palaboy
MANILA, Philippines – Hiniling ni Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus sa Commission on Audit (COA) na i-audit ang pondo ng Conditional Cash Transfer (CCT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay dahil sa nangangamba si Rep. de Jesus na nagamit ang pondo ng CCT sa ginawang round-up ng DSWD sa mga bata at mga pamilya na palaboy sa Maynila na dinala ng mga ito sa Chateau Royale sa Batangas.
Malaking palaisipan umano kung saan kinuha ang pondo para madala sa naturang resort ang mga dinampot na mahihirap na pamilya at batang palaboy at dito itinago upang hindi umano makita ng Santo Papa.
Paliwanag pa ng kongresista, una dapat magsagawa ng special audit ang COA sa CCT dahil marami siyang natatanggap na reklamo na mayroong anomalous practice dito dahil sa kung minsan ay apat na buwan umanong walang natatanggap ang mga benepisyaryo ng nasabing programa at ang pangalawa ay ang Chateau Royale fiasco.
Para naman kay Buhay partylist Rep. Lito Atienza, dapat na humarap sa gagawing imbestigasyon sa Kamara si DSWD Secretary Dinky Soliman upang maipaliwanag nito ang umano’y maltreatment sa mga batang palaboy at mga pamilyang walang bahay sa Maynila at kung bakit niya ito nagawa.
Pinayuhan din ni Atienza ang kalihim na ipagpatuloy na lang nito ang pagtulong sa mga mahihirap na pamilya, mga palaboy na bata at pakainin ang mga ito at bigyan ng lugar na matutuluyan dahil mayroon naman itong halos P100 bilyon budget para ibigay sa mahihirap.
- Latest