MANILA, Philippines – Napuno na si Sen. Teofisto Guingona III, chair ng Blue Ribbon Committee sa hindi pagharap ni Makati Mayor Erwin Binay sa imbestigasyon ng Senado sa umano'y pamumulsa ng kanilang pamilya ng pondo ng bayan.
Sinabi ni Guingona na may kapangyarihan ang komite na ipaaresto si Binay at ang ibang pang opisyal ng lungsod dahil sa pagtangging dumalo sa pagdinig na pinangungunahan ni Blue Ribbon Subcommittee head Sen. Aquilino Pimentel III.
"I make this final call as an effort on my part to avert a situation where the Senate Blue Ribbon Committee would have to issue an arrest order for Mayor Binay and other officials concerned," pahayag ni Guingona.
"This is a final call. I express the hope that the sound counsel of friends and colleagues would encourage Mayor Binay and other parties concerned to heed the summons of the Subcommittee."
Sinabi pa ni Guingona na magpupulong ang Blue Ribbon Committee sa Lunes upang pag-usapan ang kanilang susunod na hakbang.
"It is also my hope that Mayor Binay would have taken the more prudent step of heeding and respecting the summons by then.”
Iniimbestigahan ng komite ang umano'y overpriced na Makati City Hall II parking building at iba pang proyekto ng mga Binay sa nasasakupang lungsod.
Kasama rin ang ama ni Binay na si Bise Presidente Jejomar Binay sa mga pinaparatangan.
Nakadalo na ng isang beses ang nakababatang Binay sa pagdinig ng Senado, habang ang kanyang ama ay iginiit na hindi niya kailangan humarap sa komite.
Iginiit ng mga Binay na sinisiraan lamang sila dahil nakatakdang tumakbo sa pagkapangulo ang kanilang padre de pamilya sa 2016.