MANILA, Philippines - Sa gitna ng maraming akusasyon at kinakaharap na kaso, inihain ni Sen. Jinggoy Estrada ang panukalang batas na naglalayong itaas ang parusa sa mga testigong mapapatunayang nagsisinungaling sa korte.
Ayon kay Estrada napapanahon ang kanyang Senate Bill 2573 dahil na rin sa inaasahang batuhan ng mga walang batayan at malisyosong akusasyon habang papalapit ang 2016 elections.
Sinabi ni Estrada na dapat patawan ng “grave punishment” ang mga testigong mapapatunayang nag-iimbento lamang sa kanilang testimonya.
Sa panukala ni Estrada, kung ang isang akusado na nahatulan sa isang krimen dahil sa walang basehang testimonya pero mapapatunayan na talagang wala itong kasalanan, ang parusang dapat ipataw sa kanya ay dapat ipataw sa sinungaling na testigo.
Sa kasalukuyang batas, kung ang sinungaling na testigo ay nag-akusa ng homicide at ang akusado ay nasentensiyahan ng “reclusion temporal” na may minimum na parusahang 12 taong pagkabilanggo, napatunayang wala talagang kasalanan, ang testigong nagdiin sa kanya ay papatawan lamang ng parusang prision mayor na may minimum na parusang pagkabilanggo ng anim na taon.