MANILA, Philippines - Hindi lang ang mga ahensiya ng gobyerno, mga pulis at sundalo ang umani ng papuri dahil sa matagumpay na Papal visit kundi maging ang sektor ng media.
Sa inihaing resolution nina Reps. Samuel Pagdilao (ACT-CIS), Romeo Acop (Antipolo), Ashley Acedillo at Gary Alejano (Magdalo partylist) nais ng mga ito na kilalanin ang outstanding coverage ng media sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis.
Nakasaad pa sa resolution ang papuri sa komprehensibong coverage ng Philippine Media sa papal visit, maging ito man ay print, tv o radio mula sa pagdating ng Santo Papa hanggang sa pag-alis nito pabalik ng Roma.
Naging malaki rin umano ang papel ng media para gisingin ang spiritual consciousness ng mga Pilipino at pag-isahin ang mga Katoliko sa mas matatag na pananampalataya sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga pahayag ng Santo Papa.
Isinantabi rin umano ng Philippine Media ang kompetisyon at nagkaisa para maayos na maihatid ang mensahe ni Pope Francis.
Nagig instrumento rin umano ang Philippine Media para matulungan ang gobyerno sa pagpapaabot sa publiko ng mga panawagan at regulasyon na nagbunsod naman ng disiplina,vigilance at kooperasyon ng taumbayan. (Gemma Garcia)