Vatican security nag-inspeksyon sa Luneta

MANILA, Philippines – Isang araw bago ang pagdating ng Santo Papa, personal na ininspeksiyon ng Vatican security ang buong Luneta Grandstand kahapon.

Sinuri ang stage, entrance at mga posibleng exit area ni Pope Francis at ng mga ambulansyang gagamitin sa emergency situations.

Maging ang mga maliliit na butas at sira sa  stage ay binusisi at ang mga halaman na malapit sa Manila Ocean Park.

Una rito, inabot na ng hatinggabi ang mga tauhan ng DPWH at MMDA sa pagsasaayos ng mismong entabladong gagamitin ng Catholic pontiff.

Inabot naman ng umaga ang pagkakabit ng metal barriers sa harapan ng Quirino Grandstand bilang harang sa mga dadalo sa misa sa Linggo.

Nasa 500 katao ang kinailangan upang maikabit ang lahat ng barriers sa pupwestuhan ng mga taong dadalo ng misa.

Halos magdamag ding binuksan ang mga electric fan at aircon units para matuyo at matanggal ang amoy ng inilagay nilang pintura.

Samantala, nagsagawa ng rehearsal kahapon ng umaga sa Malacañang para sa gagawing arrival at courtesy call ni Pope Francis kay Pangulong Aquino sa Palasyo.

Ang courtesy call ni Pope Francis ay gaganapin alas-9:00 ng umaga sa Biyernes kung saan ay magkakaroon ng pulong ang Santo Papa at Pangulong Aquino sa Malacañang saka sila maglalabas ng kanilang joint statement.

Isasara naman sa mga motorista mula alas-6:00 ng umaga ang Malacañang complex bilang paghahanda sa pagbisita ng Santo Papa.

Mula sa Malacañang ay magsasagawa muli ng motorcade ang Santo Papa patungo sa Manila Cathedral para mag-misa bandang ala-1 ng hapon sa Biyernes saka ito magsasagawa muli ng motorcade para sa encounter with families sa Mall of Asia Arena.

Show comments