MANILA, Philippines – Iginiit ni Taguig City Councilor Darwin Icay na walang pondo mula sa kaban ng pamahalaang lungsod ang ginamit para sa mga patalastas at wala ring katotohanan ang sinasabing halaga na ginastos para rito.
Wika pa ni Coun. Icay, walang basehan ang akusasyon laban kay Sen. Alan Peter Cayetano at maihahalintulad ito sa kasinungalingan na ginawa kay dating Makati City Vice-Mayor Ernesto Mercado, nang sabihin at akusahan ni Rep. Toby Tiangco at ng UNA si DILG Sec. Mar Roxas na binisita ng kalihim ang dating bise alkalde nang na-confine ito sa UERM Medical Center, subalit mariing pinasinungalingan at nilinaw sa publiko ng pamunuan ng ospital na walang katotohanan.
Hinamon din nito si Rep. Tiangco na magpa-drug test dahil sa ginagawa nitong mga kwento na baka bunga daw ng hallucination nito dahil sa sobrang pag-atake ng kanilang kalaban at dahil sa pagtatanggol kay Binay.
Aniya, malaki ang kaibahan ni Cayetano kay Binay dahil direktang sumasagot ito sa isyu hindi tulad ni Binay sa akusasyon sa kanya sa Makati parking building at hacienda sa Batangas.
Aniya, palaging si Sen. Cayetano ang napagbubuntunan ng mga atake mula sa kanyang mga isinisiwalat na sangkot sa katiwalian subalit hindi siya natitinag o magpapaapekto at kailanman ay hindi isusuko ang kanyang paglaban sa mga tiwali.