Nakialam sa search operation NBP official sinibak!
MANILA, Philippines - Sinibak ni Justice Secretary Leila de Lima sa serbisyo si New Bilibid Prisons Assistant Supt. Catalino Malinao dahil sa kasong administratibo bunsod na rin ng pakikialam nito sa ginawang paghalughog sa “makeshift home” ng isang convicted.
Sa resolusyon na may petsang Nobyembre 18,2014, napatunayang guilty si Malinao sa mga kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service.
Nag-ugat ang kaso nang pakialaman ni Malinao ang ginawang paghahalughog ng Special Patrol Unit o SPU ng Bureau of Corrections sa selda ng inmate na si David Allen Uy sa compound ng Amazing Grace Chapel, Building 11 noong Hulyo 7, 2014. Nakuha sa kulungan ni Uy ang isang laptop, DVD writer, external memory drive, ilang cable wires at isang USB.
Hindi na rin maaaring makakuha ng retirement benefits si Malinao bukod pa sa kanselasyon ng eligibility at pagbabawal sa pagtanggap nito ng anumang posisyon sa gobyerno kabilang na ang government-owned or controlled corporations at pagkuha ng civil service examinations.
Lumilitaw na kinuha ni Malinao ang mga nakumpiska kung saan sinabihan umano nito ang SPU team na huwag i-report ang insidente. Inatasan naman si Malinao na i-surender ang mga nasabing item subalit tumanggi ito.
Agad na inakyat ang kaso sa DOJ hanggang sa maglabas ng resolusyon na nakasaad na dismis na ito sa serbisyon simula November 18, 2014.
Paliwanag ni de Lima, hindi tama ang ginawa ni Malinao at sa halip ay kasiraan lamang sa BuCor. Indikasyon lamang ito na hindi niya pinahahalagahan ang kanyang tungkulin at pangalan.
- Latest