MANILA, Philippines – Malaki ang pag-asang maipasa sa Kamara ang isa pang kontrobersyal na panukalang batas na Anti-political dynasty bill kahit pa marami sa mga kongresista ang maapektuhan nito.
Ito ay dahil natapos na ang debate at interpelasyon sa maraming panukalang ito na napakatagal inalikabok at naupuan sa maraming nagdaang kongreso.
Sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales, uumpisahan na nila ang period of amendments para maipasok na ang mga amyendang mula sa kongresista at House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Kung hindi naman umano ito matapos bago ang Christmas break ay inaasahang matatalakay ito sa muling pagbabalik ng sesyon sa Enero.
Ito ang tanging pagkakataon na naabot ng anti-political dynasty bill ang puntong pinakamalapit sa approval ng Kamara.
Base sa ilalim ng panukala, hanggang second degree of consanguinity ang hindi papayagang magkakasabay na tumakbo sa eleksyon.
Sa pagtaya naman ng chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na si Capiz Cong. Fredinil Castro, aabot ng 150 kongresista ang maaaring maapektuhan ng Anti-Political Dynasty bill sakaling maisabatas ito.