Mga abugadong rumitoke sa ebidensiya vs Bong, pinasisibak
MANILA, Philippines – Pinabubusisi ni Sen. Ramon Revilla Jr. kung sino sa National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ang dapat managot sa nabunyag na pandudoktor ng mga ebidensiya kamakailan ng prosekusyon sa Sandiganbayan.
Ito ay matapos mabuko ni Atty. Remegio Michael Ancheta, abogado ng staff ni Revilla na si Atty Richard Cambe habang isinasagawa ang pagmamarka sa mga ebidensiya noong nakaraang Biyernes.
“Ayoko na sanang magsalita hinggil dito dahil baka isipin nilang inaantala ko lamang ang pagdinig, pero hindi tama na retokehin nila ang ebidensiya para gawin lamang kaming masama sa mata ng publiko. Posibleng hindi lang ‘yan ang niretoke nila, baka umpisa pa lang ay nandadaya na sila” paliwanag ni Revilla.
Matatandaan na noong nakaraang Biyernes ay nabuko ni Atty. Ancheta sa gitna nang pagmamarka ng mga ebidensiya na nagsumite ng mga dinoktor na dokumento ang prosekusyon upang palabasin na may kasalanan si Revilla.
Apat na magkakaibang pahina ng photo copy ng dinoktor na disbursement voucher ang isinumite sa korte ngunit nang ikumpara ito sa orihinal ay nabulgar na may mga tinanggal na detalye na magpapawalang sala kay Revilla.
Kaugnay nito ay inatasan ni Revilla ang kaniyang mga abogado na sampahan ng kasong disbarment ang mga abogado ng prosekusyon upang hindi na umano pamarisan pa ng iba.
Bukod sa disbarment ay nakatakda rin silang sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo upang tuluyan nang masibak sa Office of the Ombudsman at sa pagiging abogado.
- Latest