SLEX, Star Tollway atras sa toll fee hike
MANILA, Philippines – Isinantabi muna ng pamunuan ng South Luzon Expressway (SLEx) at Star Tollway ang hirit nilang dagdag singil sa toll.
Sinabi ni Julius Corpuz, tagapagsalita ng Toll Regulatory Board (TRB) na wala muna umanong pagtaas sa toll rate ng SLEx at Star Tollway.
“Sila po ay nagbigay sa amin ng motion leave for SLEX at motion to suspend para sa Star dito sa inihain nilang petisyon for toll rate increase,” paliwanag ni Corpuz sa panayam ng DZMM.
“Ang ibig sabihin status quo. Wala tayong aksyon o process na gawin muna sa kanilang petisyon. Back to zero ang processing.”
Dahil dito, hindi muna aaksyunan ng TRB ang naunang inihaing petisyon ng dalawang expressway sa pagtataas ng toll rate.
Gayunman, nananatili pa rin ang hirit na toll hike ng North Luzon Expressway at Cavitex.
Inihihirit ng NLEx ang 15% taas-singil sa kasalukuyang rate habang 25% ang sa Cavitex.
Nasa 33% ang unang inihirit ng SLEx habang 16% naman ang sa Star Tollway.
- Latest