MANILA, Philippines - Inakusahan ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Panfilo Lacson si Tacloban Mayor Alfred Romualdez na sagabal sa isinusulong na rehabilitasyon ng gobyerno sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda, partikular sa Tacloban.
Sabi ng opisyal, hadlang si Romualdez sa mga pagpupursigeng ginagawa ng gobyerno para maisakatuparan ang rehabilitasyon bunsod ng pagbibigay kulay sa lahat ng programang inilulunsad ng gobyerno sa nasabing bayan.
Bagama’t naging malupit umano si Lacson nang sabihing wake up call sa lungsod ang pangyayari pero dapat umanong tanggapin ni Romualdez ang nasabing pahayag dahil pinaka-epektibo itong paraan para magising ang isang natutulog na tao.
Sa halip umanong magising ay tila hinamon pa anya si Lacson sa isang word war.
Maaari umanong hindi matanggap ni Romualdez kung papaano matagumpay na nagampanan ni Lacson ang rehabilitasyon sa iba pang lugar at munisipalidad na katulad ng Tacloban ay labis din ang pinsalang inabot sa kakarampot na tulong na naibahagi ng national government.
Isang halimbawa umano ay ang kalapit na munisipalidad na Tanauan, Leyte na ang alkalde katulad ni Romualdez ay hindi rin kaalyado ng Palasyo.
Dahil sa open-minded at pro-active Mayor na dating Procter and Gamble executive na si Pelagio Tecson ay unti-unting nakabangon ang Tanauan. Taliwas sa ginawa ni Romualdez, si Tecson ay mahinay pero nagawang makahirit ng ayuda sa pribadong sektor, international donors, national government at maging ng kanyang mga constituents para sa unti-unting pagbangon na kanyang ginawa sa isang napaka-organisadong pamamaraan.
Maging sa Samar province ay naisantabi ang iringan sa pulitika at nabigyang-daan ang rehabilitasyon kung saan ay sinabi ni Samar Gov. Sharee Ann Tan sa kanyang talumpati noong gunitain ang unang taong anibersaryo ng pananalasa ng Yolanda sa bayan ng Sta. Rita na ang nangyaring kalamidad ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong makapag-reach out sa mga hindi kaalyadong alkalde sa lalawigan.
Sa hanay ng mga lokal na opisyales na binayo ng bagyong Yolanda sina Tecson at Tan ang masigasig na mga opisyales na humihingi ng tulong sa tanggapan ni Sec. Lacson para maisulong ang rehabilitasyon nang mabilis at epektibo at kanila itong ibinabahagi sa mga mamamahayag.
Habang si Romualdez ay nagawang ilayo agad ang national government sa kanyang mga constituent sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyong walang kahit isang sentimong ibinigay ang gobyerno para tulungan ang Tacloban.