400,000 illegal Pinoy sa US maliligtas sa deportasyon
MANILA, Philippines - Iniutos kahapon ng Departmenf of Foreign Affairs (DFA) sa Philippine Consulates sa Amerika na pag-aralan ang executive order ni US Pres. Barack Obama na maaaring magligtas sa deportasyon sa tinatayang 400,000 undocumented Pinoy.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Charles Jose, bukas ang pamahalaan sa anunsyo ni Obama na nagbibigay ng immigration relief sa mga undocumented migrant kabilang na ang mga Pinoy na makakatugon sa mga ibibigay na criteria.
Sa executive order ni Obama, amnestiya at pagbibigay ng work permits ang tinitingnang solusyon sa matagal nang problema sa mga illegal alien sa US na siyang papabor sa may milyong illegal immigrants doon na nagmula sa iba’t ibang bansa.
Noong 2012 may 271,000 undocumented Pinoy na “tago ng tago” (TNT) sa US.
Paborito ng mga Pinoy na puntahan ang Estados Unidos kung saan mayroon nang mahigit 3 milyong permanenteng migrante mula sa iba’t ibang bansa bunsod na rin sa malaking oportunidad na umasenso at mabigyan ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sa isang live telecast, pinaayos ni Obama ang nasirang immigration system sa Amerika para sa kapakanan ng mga illegal immigrants.
- Latest