MANILA, Philippines - Binatikos ng Samahang Industriya ng Agrilkultra (SINAG) ang land swap-deal sa Pangasinan kung saan ay sinigurong paiimbestigahan nila ito sa Kongreso dahil lugi rito ang gobyerno.
Sinabi ni SINAG president Rosendo So, malinaw na agrabyado ang gobyerno sa pinasok na landswap deal sa negosyanteng si William Chua para sa Bayambang Central School sa simpleng utos lamang ni Bayambang Mayor Ricardo Camacho.
Wika pa ni So, maghahain ng resolusyon sa Kamara ang Abono Partylist at Pangasinan Rep. Rosemarie Arenas para imbestigahan ang landswap deal na ito.
Aniya, ang pinaglipatang 2-hectare property na pag-aari ni Chua nang mga mag-aaral ng Bayambang Central School ay mayroong value lamang na P150,000 habang ang original site ng eskwelahan na 3.1 ektarya na napunta kay Chua ay may halagang P522 milyon.
“Obviously, the land swap deal is grossly disadvantageous to the government, to the Department of Education, and to the teachers, parents and pupils who will be affected by the deal if it pushes through,” paliwanag pa ni So.
Maging ang Department of Education ay tutol sa paglilipat ng paaralan sa ibang site pero binalewala ni Mayor Camacho ito.
Samantala, nag-donate naman ang SINAG ng mga armchairs, tables at school supplies sa Bayambang Central School habang si dating Pangasinan Rep. Mark Cojuangco ay nagbigay naman ng P1 milyon para sa repair at rehabilitation paaralan bukod sa karagdagang 200 arm chairs na mula kay Sen. Cynthia Villar.
Napilitang lumipat sa ibang lugar ang paaralan dahil ipina-padlock ni Mayor Camacho ang nasabing eskwelahan upang lisanin na ito ng 2,000 estudyante at lumipat sa bagong site, wika naman ni PTA president Filipinas Alcantara.