MANILA, Philippines – Sinampahan na kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng disbarment si Atty. Harry Roque dahil umano sa paglabag sa Code of Professional Responsibility nang pasukin ang Camp Aguinaldo ng walang pahintulot.
Kinumpirma ni AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, alas-2 ng hapon kahapon ng isumite nila ang kanilang reklamo sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Ortigas Center, Pasig City.
Si Roque ay abogado ng pamilya ng transgender na pinatay sa Olongapo City na si Jennifer Laude.
Noong Oktubre 22 ay sumugod sa Camp Aguinaldo ang grupo ni Roque kasama ang pamilya Laude at doon ay inakyat ni Suselbeck at kapatid ni Laude na si Marilou ang bakod kung saan nakakulong ang suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
Sa video footage ng AFP ay kitang kita kung paano ininsulto ni Atty. Roque ang mga sundalo habang wala rin itong ginawa upang pigilan sina Suselbeck at Marilou na tumalon sa bakod.