Binay ‘di na dadalo sa Senate probe
MANILA, Philippines – Hindi na dadalo si Vice President Jejomar Binay sa imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, ayon kay United Nationalist Alliance interim secretary-general Atty. JV Bautista.
Si Binay ay naunang inimbitahan ng Blue ribbon committee na mother committee ng nag-iimbestiga sa Makati City hall building 2 o sub-committee na pinamumunuan naman ni Sen. Koko Pimentel.
Ayon kay Atty. Bautista, nakita nilang tila wala na ring kontrol ang tagapangulo ng komite na si Sen. TG Guingona kina Senators Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes at Pimentel.
“Sabi ho ni Senator Guingona, kung ganyan na ayaw humarap ni VP sa sub committee, ico-convene ang mother committee, magpapadala ng imbitasyon. Ngayon, ang ginawa namin noong dinala yong imbitasyon sa opisina ni VP, nagpunta kami ni Cong. Toby Tiangco doon sa sub committee para sana tanungin sila, mga honorable senators meron ho kaming imbitasyon dito sa mother committee, tatanungin lang ho namin, ito ba ay seryoso? Kasi bakit may desisyon na nai-convene ang mother committee pero kayo ay naghe-hearing pa. The logical thing would have been for the sub committee to defer its proceedings in deference to the mother committee. Magco-convene na yong mother committee, ang dali-dali lang naman nun, sabihin nila oh sige ‘wag na muna tayo mag hearing, bigyang daan muna natin ang mother committee para makaharap na si VP. Anyway silang tatlo naman nandon din sa mother committee,” wika ni Bautista.
Aniya, posibleng sa debate na lamang umano nina Binay at Trillanes mailabas ang mga sagot para linisin ng bise presidente ang pangalan nito.
Isinasapinal na ang Binay-Trillanes debate na papangasiwaan ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP).
Sa hiwalay na pahayag naman ni KBP national president Herman Basbaño, walang atrasan ang debate dahil tuloy-tuloy naman ang ginagawa nilang preparasyon.
- Latest