Bong pumalag sa garnishment ng P224 M
MANILA, Philippines - Galit na binatikos kahapon ni Senator Bong Revilla ang Ombudsman matapos hilingin sa Sandiganbayan na i-garnish ang P224 milyong kayamanan niya gayung hindi pa napapatunayan na ito ay nakaw.
“Ibibigay ko lahat ng kayamanan ko, kung mapapatunayan n’yo at makakapaglabas kayo ng ebidensiya,” pahayag ni Sen. Revilla sa panibagong gimik ng prosecution na humihiling na isailalim sa garnishment proceedings ang kanyang mga ari-arian.
Ayon pa kay Revilla, malaki ang kanyang paniwala na nasa panic mode na ang prosecution kaya gumagawa na naman ito ng senaryo para pagtakpan ang kanilang kapalpakan sa nakaraang bail hearing.
Hinamon ni Revilla ang prosekusyon na maglabas ng kahit kapirasong ebidensiya na may katas ng Napoles money ang kanyang bank account.
Sa pinakahuling cross examination ni Defense Counsel Joel Bodegon, inamin ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) bank investigator Atty. Leigh Vhon Santos na wala silang nakitang pondo mula sa JLN Corporation na pumasok sa mga bank account ni Revilla.
“Alalahanin nyo, kahit singkong duling ay wala pa kayong napapatunayan na ninakaw ko tapos gusto n’yo ngayon garnishments sa aking mga ari-arian na pinaghirapan kong ipundar sa mahabang panahon ng aking pag-aartista,” sabi pa ni Revilla.
Tahasan ding sinabi ng senador na ginagawang tanga ng prosecution team ang publiko at korte sa pamamagitan ng pag-iimbento ng mga prosesong taliwas sa umiiral na batas.
- Latest