PNP naka- full alert sa Undas
MANILA, Philippines – Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamamayang magtutungo sa mga sementeryo ngayong Undas, itotodo ng Philippine National Police sa full alert ang buong tropa nito sa nasabing araw.
“The entire PNP will be placed on full alert to provide maximum coverage and public safety services,” ayon sa PNP Police Community Relations Group.
Dito, ang lahat ng PNP ay naka-duty at hindi muna pinapahintulutan na mag-leave of absence upang sumuporta sa programang pang kapayapaan at katahimikan ng araw ng Undas.
Para masigurong magagabayan ang mga mamamayan, maglalagay ang kagawaran ng police assistance desks sa mga sementeryo maging sa mga kalye para naman sa mga biyahero.
Gayunman, hinikayat ng PNP ang publiko na bumiyahe ng maaga upang makaiwas sa inaasahang matinding trapik sa kalsada.
Nakabantay din ang buong kagawaran laban sa mga taong nagbabanta na maghasik ng kaguluhan upang sirain ang nasabing okasyon.
Upang lalong maging matatag ang pagbabantay sa anumang uri ng masamang elemento lalo na ang mga mananamantala sa mga bahay na iiwan ng bawat pamilya, makikipag-ugnayan ang PNP sa mga barangay officials para makatuwang sa seguridad.
- Latest