Zero-OSY sa 2016 target ng DepEd
MANILA, Philippines – Target ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng ‘zero-OSY’ o out-of-school youth ang Pilipinas hanggang sa taong 2016.
Inilunsad ng DepEd at National Youth Commission (NYC) ang Abot-Alam program sa buong bansa na ang layunin ay matukoy ang lahat ng OSY sa bansa at mai-enroll sa mga akmang program intervention sa edukasyon, pagnenegosyo at trabaho.
Ayon kay DepEd Secretary Br. Armin Luistro, mayroon na silang natukoy na mahigit 1.2 milyong OSY sa kanilang database.
Ang 76,000 umano sa mga ito ay naka-enroll na sa Alternative Learning System (ALS) program, Alternative Delivery Mode (ADM), sumailalim na sa skills training, o di kaya’y nabigyan na ng trabaho.
Ang collective goal ng programa ay ang matiyak na bawat OSY na may edad 15 hanggang 30-anyos ay mabibigyan ng pagkakataon na makatapos ng high school, makakuha ng kinakailangang kasanayan upang maging produktibo o di kaya’y mabigyan ng oportunidad na makapag-negosyo at magkatrabaho.
- Latest