MANILA, Philippines - Maging ang kaalyado ni Pangulong Aquino sa Kamara ay nangangamba sa pagbibigay ng emergency powers dito para masolusyunan ang nakaambang krisis sa kuryente.
Ayon kay House Deputy Speaker Henedina Abad, may kaakibat na takot na idinudulot ang pag-iinvoke ng section 71 ng Epira Law.
Sa ilalim umano ng probisyong ito, maaaring humingi ng otorisasyon ang Pangulo sa kongreso para magkaroon ng additional power capacity ang bansa kung nakaamba ang kakulangan sa suplay ng kuryente.
Giit pa ni Abad, ang section 71 ay nagpapalala ng masamang karanasan ng bansa sa take or pay scheme.
Ang take or pay scheme ay nakapaloob sa independent power producers contracts na pinasok noon ng administrasyong Ramos para lutasin ang power crisis na sinalo nito sa unang Aquino administration.
Sa ilalim din ng nasabing scheme binabayaran ang kabuuan ng contracted power sa IPP kahit hindi ito na-produce ng buo kaya mataas ang singil sa kuryente sa bansa.
Sinabi pa ni Abad na tiwala siyang hindi papayagan ng kasalukuyang administrasyon ang take or pay scheme subalit hindi umano masisi ang publiko kung may pangamba pa rin sa emergency power.