MANILA, Philippines - Ligtas na ang 75 Pinoy peacekeepers matapos na matakasan ang mga rebeldeng Syrian na pumalibot at umatake sa kanila sa Golan Heights.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang, sinamantala ng mga sundalong Pinoy ang ginawang pamamahinga ng mga rebelde at nagawang makaalis ng tropa sa kalagitnaan ng gabi bitbit ang kanilang lahat na kagamitan at armas.
Ayon kay Catapang, nailipat na sa Camp Ziuoani ang mga Pinoy mula sa Position 68 at 69 na unang inatake ng Syrian rebels. Habang ang iba ay nasa Camp Faouar na.
Umaga ng Sabado nang inatake ng Syrian rebels ang Position 68 na matagumpay namang naidepensa ng Pinoy peacekeepers.
Dahil dito, napilitan ang UN Disengagement Observer Force (UNDOF) na ilipat na ang Pinoy troops sa mas ligtas na posisyon.
Binansagan pa ni Catapang na “great escape” ang pagtakas ng mga Pinoy lalo’t masigasig ang mga rebelde sa tangkang pagkubkob sa kampo.
Sabado ng gabi, isang oras na naglakad ang mga Pinoy peacekeeper hanggang maabot ang Camp Ziuoani na kampo na ng Pilipinas.
Pinasalamatan din ni Catapang ang Irish contingent na nauna nang tumulong para mailikas ang Pinoy peacekeepers na nagbabantay sa Position 69.
Tumulong din ang mga tropa mula Amerika, Qatar, Syria at Israel sa matagumpay na pag-eskapo ng Pinoy troops. Wala namang napaulat na nasugatang Pinoy.
Ayon naman kay Col. Roberto Ancan, pinuno ng AFP Peacekeepers Operation Center, naging malala ang sitwasyon ng mga Filipino forces sa Position 68 nang tatlong Syrian pick-up trucks na nakakabitan ng ZSU-23 anti-aircraft guns ay nagtangkang banggain ang gate nito, bilang pagtatangka na wasakin ang kanilang depensa.
Gayunman, lumaban umano ang mga Pinoy at pinaputukan sila, sanhi para mapigilan ang mga rebelde na makapasok.
Sabi naman ni AFP spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, mananatili ang mga Pinoy peacekeepers hanggang sa huling araw ng kanilang tungkulin sa October.