MANILA, Philippines - Pinagtibay na ng Sandiganbayan Fifth Division ang naunang desisyon nito na suspendihin ng 90 araw si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng kaso nitong plunder at graft na may kinalaman sa pork barrel scam.
Ito’y makaraang tanggihan ng graft court ang naisampang motion for reconsideration ng kampo ni Estrada para dito dahil sa kakulangan ng merito.
Ayon sa graft court, matapos mabusisi ng husto ang mga records at mga dokumento at iba pang mga ebidensiya na naisumite dito ay nakakita sila ng probable cause sa kaso, balido at malaman ang mga impormasyon na naisumite ng Ombudsman.
Niliwanag din ng graft court na walang basehan ang mga ulat na makakaapekto kay Estrada ang pagsuspinde dito ng Sandiganbayan para sa pangangalaga sa mga constituents dahil ang pagsuspinde umano dito ay hindi isang kaparusahan kundi isang pamamaraan lamang na ginagawa sa isang tauhan ng gobyerno na iniimbestigahan sa anumang kasong kinasasangkutan nito.
Maluwag namang tinanggap ng kampo ni Estrada ang desisyong ito ng Sandiganbayan.