PNoy nagpatutsada kay 'Kabayan'

MANILA, Philippines – Bagama't hindi direktang sinabi ang pangalan, tila nagparinig si Pangulong Benigno Aquino III kay dating Bise-Presidente Noli De Castro.

Sa kanyang talumpati sa Oriental Mindoro ngayong Biyernes, muling tumirada ang Pangulo sa kanyang mga kritikong aniya'y panay ang paninira.

"Meron po diyan, ganado pang magkomento ng negatibo, gayong kasama naman sila sa mga naging pinuno ng bansa; Imbes na maibsan ang pagdurusa ng nasasakupan, pinalala pa ito," wika ni Aquino.

"At ngayon, bagaman tinutugunan na natin ang mga problemang ipinamana sa atin, hindi pa rin nagsawa sa paghirit ang itinuturing kayong 'kabayan'," dagdag niya.

Umupo sa puwesto  ang tubong Oriental Mindoro na si De Castro mula noong 2004 hanggang 2010 sa ilalim ng administrasyong Arroyo na sinisisi ni Aquino sa pagkalubog ng bansa.

Matapos ang kanyang termino ay bumalik sa pagiging broadcaster/komentarista si De Castro sa ABS-CBN kung saan siya ang anchor ng TV Patrol at host ng programang Kabayan sa DZMM.

Matatandaang noong ika-25 anibersaryo ng TV Patrol noong 2012 ay nagparinig na rin si Aquino na ginamit ang tanyag na katagang ginagamit ni De Castro na “Magandang Gabi Bayan.”

"Kung alam mong opinion-maker ka, alam mo rin dapat na mayroon kang responsibilidad. Sana po, sa tuwing sasabihin nating, and I quote, 'magandang gabi, bayan,' ay totoong hinahangad nating maging maganda ang gabi ng bayan.”
 

Show comments