MANILA, Philippines - Umabot umano sa P2 bilyon ang kinita ni Vice President Jejomar Binay at iba pang opisyal ng Makati dahil sa pagtatayo ng Makati City carpark building II.
Ito ang sinabi kahapon nina Atty. Renato Bondal at Nicolas Enciso, kapwa pinuno ng United Makati Against Corruption o UMAC sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa sinasabing overpriced building na ipinatayo ng gobyerno ng Makati.
Ang pagpapatayo umano ng nasabing gusali na umabot sa halos P2.7 bilyon na hinati sa limang bahagi ngunit ang lahat ng ito ay napunta lamang sa iisang contractor.
Lumalabas na P84,000 bawat square meter ang halaga ng gusali at sa kabuuan ay umaabot umano sa 300% ang overprice.
Sa valuation naman ng kilalang appraiser na si Federico Cuervo, karaniwan lamang na umaabot sa P23,000 kada square meter ang market value ng isang gusali na katulad ng Makati Carpark building, kahit ito ay gawa pa sa Grade A na materyales, sa halip na P75,000 kada metro kuadrado. Ayon dito, dapat umabot lang ng halos P700 milyon ang Makati City Hall Parking building na lubos na mas mababa kaysa sa P2.7 bilyon na inilaan sa nasabing gusali.
Inihambing din ni Bondal ang 11 palapag na Parking Building sa dalawang luxury condominium sa Makati, na sa kabila ng pagiging apat o limang beses pang mas mataas kaysa Makati Parking Building, ay natapos at ginastusan ng mas mababa pang halaga.
Sinasabing naglaan ang Makati City ng kabuuang P2.71-bilyong pondo para sa pagpapagawa ng City Hall Parking Building mula pa nang Mayor si VP Binay noong 2007 hanggang sa termino ng kanyang anak.
Binigyan linaw naman ni COA Chairperson Grace Pulido-Tan na walang inisyu na clearance ang COA na nagsasabing walang anomalya sa nasabing transakyon, kabaliktaran naman sa sinasabi ni Makati Mayor Junjun Binay. Dagdag pa nito, kasalukuyang binubusisi pa ng COA ang nasabing proyekto.
Sa nasabing pagdinig, nagsumite ng mosyon si Sen. Antonio Trillanes IV, ang naghain ng resolusyon upang imbestigahan ang nasabing anomalya, upang magkaroon ng inspeksyon sa nasabing gusali.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa Martes, Agosto 26.