Admin solons dismayado kay PNoy sa Cha-cha
MANILA, Philippines - Dismayado ang ilang matataas na makaadministrasyong mambabatas maging yaong nabibilang sa Liberal Party sa pahayag ni Pangulong Aquino na bukas siya sa pagpapalawig ng kanyang termino sa pamamagitan ng pagsususog sa Konstitusyon (Charter Change o Chacha).
Bigla umanong naging mailap sa media ang maraming admin solons na karaniwang handang magbigay ng panayam sa mga mamamahayag.
Merong ilan na sumasagot sa tanong ng mga reporter pero karamihan ay off-the-record o ayaw nilang magpabanggit ng pangalan.
Ayon sa isang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan, nagulat at nalito sa biglang pagbabago ng mga pangyayari ang mga kasamahan niya sa partido at nagtatanungan sa isa’t isa kung ano ang gagawin nila.
Para naman sa isang mambabatas na kasapi rin ng LP, alibi lang iyong hakbang ng Malacañang na susugan ang Saligang-Batas para limitahan ang kapangyarihan ng Supreme Court.
Nauna rito, nagbabala si Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales Jr. na manganganib ang kasalukuyang proseso sa kongreso na luwagan ang mahihigpit na mga probisyong pang-ekonomiya kapag binago ang political provision ng Konstitusyon.
“Isa itong political suicide,” puna naman ni Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian na iniatras ang pagsuporta niya sa planong amyenda sa economic provision ng Konstitusyon makaraang isulong ni Aquino at ng mga kasamahan nito sa LP na tanggalin ang term limit.
- Latest