MANILA, Philippines - Inamin ng pangunahing whistleblower na si Benhur Luy sa Sandiganbayan na siya mismo ay nakatanggap ng kickback mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas na ginamit ang mga pekeng NGO ng kanyang pinsan na si Janet Lim-Napoles.
Sinabi ni Luy na may P3-P4 milyon ang kabuuang komisyon na kanyang nakuha mula 2004-2012, noong siya pa ang pangulo ng Social Development Program for Farmers Foundation Inc., isa sa mga pekeng NGO ni Napoles.
Gayunman, sinabi ni Luy na ang kanyang natanggap na komisyon ay hindi kasinlaki ng halaga na naipangako sa kanya ni Napoles.
“Minsan nagpapanggap-panggap siya na naggagalit-galitan, para ‘di na kami bigyan ng komisyon. ‘Di naman ‘yun nasusunod, ‘yung 1 percent. Halimbawa kung P250,000 dapat ‘yung sa akin, pero P30,000 or P50,000 lang binibigay niya, nalalakihan pa siya. ‘Yung remaining of the commissions, sa kaniya na ‘yun,” dagdag ni Luy.
Si Luy ang tumatayong saksi ng prosekusyon sa pagdinig sa bail petition ni Napoles at iba pang akusado sa plunder na nakasampa sa Sandiganbayan First Division kasama na sina Sen. Bong Revilla at tauhan nitong si Atty. Richard Cambe.