MANILA, Philippines - Imbento lamang ang ibinunyag ni Sen. Antonio Trillanes na bantang destabilisasyon laban kay Pangulong Aquino.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, chairman ng House Defense Committee, hindi lamang kuryente at kathang isip ang tawag dito kundi kwentong barbero, pwede rin palipad hangin o kaya naman ay alimuom lamang.
Ito ay dahil nag-check umano si Biazon sa mga contacts nito sa hanay ng mga retirado at aktibong sundalo at nakumpirma nito na walang namumuong banta sa Aquino administration.
May katotohanan naman umano na napapag-usapan sa hanay ng mga ito ang malalaking isyu sa bansa na nakakaapekto sa kredibilidad ng tatlong sangay ng gobyerno maging ng mga institusyong laban sa pamahalaan tulad ng media at simbahan.
Subalit ang mga ito ay nakikita naman umano ng publiko na idinadaan sa tamang proseso kaya sa tingin ni Biazon mayroong nagtatagni-tagning usapang ito kaya mayroong nakuryente.
Imposible rin umanong may magbalak ng destablisasyon ngayon sa administrasyon dahil wala namang susunod dito dahil sa suporta ng publiko sa Pangulo.
Giit pa ni Biazon, maaaring ang pagpapakulo ng isyu ay may motibong pulitikal subalit hindi sana makaligtas ng atensiyon sa mga tunay na isyung dapat harapin tulad ng Bangsamoro Basic Law, K-12, pagtugon sa epekto ng kalamidad, EDCA at iba pa.
Kinumpirma naman nina Magdalo Reps. Ashley Acedillo at Gary Alejano na nakatanggap din sila ng impormasyon tungkol sa bantang destabilisasyon pero sa ngayon ay wala umano silang namomonitor na recruitment.
Naniniwala rin ang mga retiradong Heneral na miyembro ng Kamara na hindi magtatagumpay ang anumang bantang destabilisasyon kaya walang dapat ikabahala si PNoy.
Paliwanag ni Antipolo Rep. Romeo Acop, para magtagumpay ang destabilisasyon ay dapat mayroong tinatawag na critical mass o suporta mula sa malaking bahagi ng lipunan subalit sa tingin umano nito ay malabo naman ito.
Ang destab plot ay sinasabing mula umano sa hanay ng mga retiradong heneral subalit duda si Acop kung may sapat na clout pa ang mga ito sa mga aktibong sundalo.
Sang-ayon naman dito si Act-CIST Rep. Samuel Pagdilao at sinabing wala ng hawak na tao ang mga retiradong heneral.
Para naman kay Pangasinan Rep. Rodolfo Bataoil, walang dahilan para mag-alburuto ang nasa uniformed service kahit pa ang mga retirado dahil tinutugunan na ng gobyerno ang pangangailangan ng mga ito.
Sa kabila nito, sinabi ni Acedillo na dapat kumilos na ang security at intelligence agencies ng gobyerno para beripikahin ang mga impormasyon tungkol dito.