MANILA, Philippines - Nakauwi na sa bansa ang isang OFW na nahatulan ng bitay dahil sa pagpatay sa kapwa Pinoy matapos na makapagbigay ng blood money kapalit ng kanyang buhay at kalayaan sa Saudi Arabia.
Dumating noong Huwebes sa Manila ang nasagip na OFW na si Dante Altizo, mula Saudi jail at agad na nag-courtesy call kay Vice President Jejomar Binay, tumatayong Presidential Adviser on OFW Concerns, sa Coconut Palace.
Nagpasalamat naman si Altizo kay Binay at sa Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa ibinigay na tulong upang makaligtas sa tiyak na kamatayan at ganap na makamit ang kalayaan at makauwi sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
Sinabi ni Binay kay Altizo na makakatanggap siya ng mga benepisyo mula sa Overseas Workers Welfare Administration at kanyang makukuha ang alok ng pamahalaan na reintegration program sa mga nagbabalik na OFWs.
Si Altizo ay hinatulan ng bitay ng Saudi court sa pamamagitan ng pagpugot ng kanyang ulo noong 2008 dahil sa pananaksak at pagpatay sa kanyang roommate na Pinoy matapos ang mainitang pagtatalo.
Kapalit ng kanyang buhay at kalayaan, unang humingi ang pamilya ng biktima ng halagang 600,000 Saudi Riyals o P7.1 milyon hanggang sa magkasundo ang magkabilang panig na ibaba ito sa 400,000 SAR o P4.8 milyon.
Noong Abril 7, 2014, dumalo si Altizo kasama ng kinatawan ng Philippine Consulate sa final settlement ng kaso sa Al Baha General Court sa Al-Baha, Saudi Arabia at dito inihayag ni Judge Faris Al-Harithy na ang Arab Sheikh na nais na manatiling anonymous ang nagbayad ng blood money ni Altizo.
Nitong Abril 15, inianunsyo ng nasabi ring hukom sa kinatawang Konsulado na nagpalabas na ang korte ng kautusan na palayain si Altizo sa kulungan.