Mahigit P5B pinsala ni Glenda
MANILA, Philippines - Umaabot na sa mahigit P5 bilyon ang iniwang pinsala ng bagyong Glenda sa imprastraktura at agrikultura habang tumaas na rin sa 64 katao ang death toll.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, naitala sa P892,011,600.00 M ang pinsala sa imprastraktura sa Region III, V, VIII at National Capital Region.
Naitala naman sa P4,529,620,307.42 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa Regions III, IV-B, V at Cordillera Administrative Region sa taniman ng mais, palay, iba pang mga pananim at maging sa livestock o hayupan. Nasa 19 kalsada at tatlong tulay sa Regions II, III, IV-A, IV-B, V at Cordillera ang hindi madaanan sanhi ng mga pagbaha.
Nasa state of calamity ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Masbate, Cavite, Batangas, Rizal, Quezon.
Samantala, pumasok na kahapon ng umaga ang bagyong Henry sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Alas-10 ng umaga, si Henry ay namataan ng PAGASA sa layong 890 silangan ng Guian, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 80 km bawat oras.
Hindi magla-landfall sa bansa si Henry at tutumbukin ang Taiwan at Southern Japan.
Hindi naman magiging sinlakas ni Glenda si Henry dahil mahina ito at hindi magdadala ng malalakas na pag-ulan at hangin.
- Latest