MANILA, Philippines - Dahilan sa hindi pa alam ng liderato ng Kamara kung anong gagawin sa suspension order ng Sandiganbayan, kaya mananatili pa rin kongresista si Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Ayon kay House Deputy Assistant Majority Leader Jose Christopher Belmonte, dahil naka-recess ang Kongreso, hindi pa madesisyunan ng liderato ang 90-day suspension kay CGMA.
Paliwanag ni Belmonte, hindi specific ang House Rules kung paanong ipatutupad ang suspension order laban sa miyembro ng kapulungan.
Subalit ang pinakamalapit umanong probisyon dito ay ang Rule No. 23 o ang pagtugon sa subpoena kung saan hindi rin binanggit kung gaano kabilis sila dapat umaksyon sa judicial order.
Sa ilalim ng House rules, hindi inoobliga ang Speaker na ipaalam sa kapulungan ang judicial order na natanggap ng kanyang opisina habang nakabakasyon ang Kongreso.
Gagawin lamang ang notification kapag nagbukas na ang sesyon ng Kamara sa Hulyo 28 ng taong kasalukuyan.