PNP pinako-contempt ng pro-gun group
MANILA, Philippines - Pinako-contempt ng grupo ng mga gun owners si PNP chief, Director General Alan Purisima at lima pang opisyal bunsod na rin ng umano’y paglabag sa inisyung temporary restraining order ng Korte Suprema kaugnay sa centralization ng pagpapalisensiya ng baril.
Pinangunahan ni Atty. Honesto Tabuhara, secretary general ng grupo, ang paghahain ng petisyon ng may 100 gun enthusiasts na humihiling sa SC na ipa-contempt ang PNP dahil sa hindi pagsunod sa temporary restraining order (TRO) sa ilang probisyon ng RA 10591 o Gun Control Law.
Ani Tabuhar, hanggang ngayon, hindi pa rin ipinatutupad ng PNP ang desisyon ng SC hinggil sa mga bagong restrictions sa applications at renewal ng baril.
Kabilang dito ang pagiging centralize pa rin ng licensing ng baril at patuloy na Oplan Katok ng PNP taliwas sa kautusan ng SC.
Tila total gun ban din anya ang PNP sa paghihigpit sa paglilisensya sa responsable umanong gun owners gayong naglipana naman ang loose firearms na hawak ng mga kriminal.
Matatandaan na April 10 nang harangin ng SC ang regulasyon ng PNP na sa national headquarters lamang sa Kampo Crame maaaring magproseso ng lisensya ng mga baril.
Sa kabila nito, sinabi ni Tabuhara na hindi pa rin pinapayagan ng PNP leadership ang aplikasyon para sa lisensya ng mga baril sa mga satellite offices.
Bukod dito, naghain din ng petition for certiorari ang pro-gun upang pigilan ang pagpapapirma ng waiver ng PNP sa mga gun owner.
Ang waiver ay magsisilbing permiso sa pulisya upang pumasok sa kanilang mga bahay upang makatiyak na lisensyado ang kanilang mga armas.
- Latest