Plastic bags pangunahing nagpaparumi sa Manila Bay

Nagtulong ang mga miyembro ng EcoWaste Coalition­, Philippine Coast Guard at iba pang non-government organization sa pagkolekta at paghihiwalay ng basurang nakuha sa Manila Bay kahapon kaalinsabay ng 5th International Plastic-Bag fee. (EDD GUMBAN)  

MANILA, Philippines - Ang plastic na basura ang pangunahing nagpaparumi sa Manila Bay base sa pagbusising ginawa ng environmentalist group na EcoWaste Coalition kasama ang Global Alliance for Incinerator Alternatives, Greenpeace at Mother Earth Foundation sa pagdiriwang sa ika-5 taong International Plastic Bag-Free Day kahapon.

Anang grupo, ang may 1,594 litro ng basura na kanilang nakolekta mula sa Manila bay ay pinaghiwa-hiwalay nila sa 12 uri at ito ay ang plastic bags, composites o plastic wrappers, polystyrenes, plastic bottles, hard plastics, rubbers, metals at lata, glasses, hazardous wastes, diapers at napkins gayundin ng mga biodegradables items at iba pang basura.

Sa mga nakolektang basura, ang plastic materials ang may pinaka maraming nakuha sa Manila bay o umaabot sa 61.9%, kung saan ang plastic bags ay 23.2% at plastic wrappers 18.8%.

Ang iba pang basurang nakolekta ay mga cigarette butts, clothes, rags at sponges gayundin ng mga rubber wastes tulad ng mga lumang sapatos.

Noong 2010, kahalintulad na mga basura rin ang kanilang nakolekta mula sa Manila Bay tulad ng 75.5%  plastic na basura, 27.7% nito ay mga plastic bags.

Noong 2006, mga synthetic plastic materials na may 76.9% naman ang nakuhang basura sa Manila Bay karamihan dito ay mga  plastic bags.

Bunga nito, muling nanawagan ang naturang mga grupo sa publiko na i-ban na ang paggamit ng plastic sa bansa upang mawakasan na ang patuloy na pagdumi ng naturang baybayin at iba pang katubigan na puno na ng basura.

 

Show comments