Iregularidad sa importasyon ng bawang, sibuyas nabunyag
MANILA, Philippines - Nabunyag kahapon sa Kamara ang iba’t ibang iregulariad sa importasyon ng bawang at sibuyas na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga ito sa pamilihan.
Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, sa kanilang paggigisa sa importers, lumalabas na P40 kada kilo ang bili ng importers sa angkat na bawang subalit P50-P60 kada kilo ang pasa nito sa mga traders at kapag ibinagsak na sa mga pamilihan ay P250 kada kilo na ito.
Dahil sa ganitong pag-abuso, umabot pa umano ng P4 bilyon ang kinita ng mga importers at traders ng bawang at sibuyas noong nakaraang taon.
Sinabi pa ni Evardone na inamin din ng isang kinatawan ng traders sa pagdinig na may nangyayaring bentahan ng import permit na iniisyu ng Bureau of Plant industry (BPI).
Ang BPI ay nagbibigay ng import permit sa mga organisasyon ng magsasaka at ito umano ay ibinebenta naman sa mga traders sa halagang P150,000 kaya lumalabas na malaki ang patong sa presyo ng angkat na bawang at sibuyas kaya mataas na ang presyo nito pagdating sa pamilihan.
Dahil dito kaya iginiit ni Evardone na dapat bilisan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa nasabing anomalya upang makasuhan na ng plunder at economic sabotage ang mga sangkot dito.
Hinikayat din ng kongresista na magsagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon ang Kamara sa patuloy na pagtaas ng agricultural products dahil mas importanteng isyu ito dahil malapit ito sa sikmura ng mga Filipino kumpara sa usapin ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at pork barrel scam.
- Latest