Jinggoy mas gusto ang house arrest

MANILA, Philippines — Kung si Senador Jinggoy Estrada ang tatanungin, nais niyang makulong na lamang sa kanyang bahay kahit alam niyang impossible itong mangyari.

Sa kanyang panayam sa telebisyon, sinabi ni Estrada na tatanggapin niya ang desisyon ng Sandiganbayan kung saan sila ikukulong.

"Kung doon kami ilalagay sa Camp Crame, walang problema. Kung sasabihin ng Sandiganbayan na sa regular jail kami kasama ng mga ordinaryong kriminal o nagkasala, wala tayong magagawa," wika niya sa “Unang Balita” ng GMA7.

Kaugnay na balita: Sandiganbayan: Jinggoy bawal nang lumabas ng bansa

"Kahit saan, wala naman tayong karapatan na magdikta kung saan ko gustong makulong. Eh siyempre kung ako masusunod, dito na lang sa bahay, house arrest. Pero imposible yatang mangyari iyon," dagdag niya.

Pinabulaanan din ng senador na may plano siyang magpa-hospital arrest.

Sinabi ito ni Estrada matapos ipakita ng Philippine National Police sa publiko ang posibleng kulungan niya at nina Senador Bong Revilla Jr. at Juan Ponce Enrile na pawang nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.

Kaugnay na balita: Hold departure order vs Bong Revilla

Iginiit ng senador na handa niyang harapin ang kaso at sinabing inosente siya sa mga paratang sa kanya.

Show comments