MANILA, Philippines - Blangko pa ang tanggapan ng Ombudsman sa expose’ ng negosyanteng si Janet Lim Napoles tungkol sa kontrobersiyal na pork barrel scam.
Ito ayon kay Ombudsman spokesman Asryman Rafanan ay dahil hindi pa naman ikinokonsidera ng tanggapan ang pagiging state witness ni Napoles dahil wala pang pormal na kahilingan para maging testigo ito kaugnay ng kaso.
Ayon sa Ombudsman, tanging hawak ng ahensiya ay ang motion for reconsideration ni Napoles hinggil sa kaso at wala naman itong binabanggit na pangalan ng iba pang mga mambabatas sa kanyang mosyon.
Sinasabing nais ni Napoles na maging state witness kasabay ng kanyang pagsumite ng sinumpaang salaysay sa Department of Justice (DoJ) na naglalaman daw ng mga pangalan ng iba pang mambabatas na sangkot sa pork scam.
Bago ito ay tinanggap nang state witness sa kaso ang whistleblower na si Ruby Tuason kasabay ng ginawang pagsosoli sa P40 milyong halaga ng umano’y naipon niya bilang komisyon mula sa pagiging ahente sa PDAF scam.