MANILA, Philippines - Muling nagbabala ang Caloocan City Police sa publiko sa pagkalat ng mga pekeng pera makaraang isang binatilyo ang madakip na bitbit ang ilang piraso ng pekeng isanlibong piso, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong illegal possession of false treasury of bank notes si Mark Anthony Betes, 17, ng Pureza, Sta. Mesa, Manila ngunit dahil sa menor-de-edad ay ipinasa ang kustodiya nito sa lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ulat ng pulisya, alas-8:30 ng gabi nang masita ng mga nagpapatrulyang barangay tanod at pulis si Betes dahil sa kahina-hinalang kilos nito sa may Maligaya naturang lungsod.
Nang kapkapan, nakuhanan ito ng anim na pirasong P1,000 bill. Nang inspeksyunin ng pulisya, nadiskubre na pawang mga peke ang naturang mga pera.
Inamin naman ng binatilyo na ang mga pekeng pera ay nagmula sa Bagong Silang at dinala sa lugar ng Maligaya. Patuloy naman ang imbestigasyon upang makilala ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng pera.