Regular na trabaho, hindi contractual panawagan ng newly graduates sa gov’t
MANILA, Philippines - Nanawagan sa pamahalaan ang mga nagsipagtapos ng iba’t ibang kurso sa college na mabigyan sila ng regular na trabaho at hindi bilang contractual upang mabuhay ang kani-kanilang pamilya sa kasalukuyang estado ng pamumuhay sa ngayon sa bansa.
Kasabay nito, nanawagan ang mga newly graduates kasama ng grupong Defend Job Philippines, Anakbayan Metro Manila at iba pang labor groups sa pamahalaan partikular sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatigil na ang malawakang pagpapatupad ng kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa dahil ito ang nagpapahirap sa mamamayang Pilipino at tuloy ibasura ang Herrera Law na siyang ugat ng pagdami ng mga jobless sa bansa.
Nitong Marso ay may mahigit 500,000 bagong graduates sa bansa.
Minaliit din ng naturang mga grupo ang mga trabahong naibibigay sa mga job fair ng DOLE na hindi akma sa mga graduates dahil karamihan ay construction workers, customer service at BPO na pagmamay-ari ng mga dayuhan at malalaking negosyante bukod pa sa ang mga trabahong ito ay hindi permanente, mababa ang sahod at walang benepisyo dahil sa ilalim ng contractualization, mga agency ang kumukuha ng mga tauhan para sa mga kumpanya at kalimita’y ang agency pa ang siyang may mas mataas na kita kaysa sa mga manggagawa na nakalap nila.
Binatikos din ng Defend Job Philippines ang pahayag ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz sa mga bagong graduates na ‘wag maging mapili sa trabaho. Anila hindi naman sila choosy sa paghahanap ng trabaho basta’t magkaroon lamang ng trabaho na may seguridad, nakakabuhay na sweldo at magbibigay ng maayos na kinabukasan sa kanilang mga pamilya.
- Latest