PNP umalerto sa lalagdaang Bangsamoro peace agreement
MANILA, Philippines - Nagtaas na ng alerto ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng gaganaping paglagda ngayon sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro na dadaluhan ng mga foreign ministers, mga VIPs at iba pa sa Palasyo ng Malacañang.
Ayon kay Sr. Supt. Wilben Mayor, PNP Chief spokesman, isinailalim na sa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) habang heightened alert status naman ang PNP Headquarters sa Camp Crame.
Ayon kay Mayor, inaÂasahang nasa 1,200 ang dadalo sa okasyon kabilang ang 598 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Malaysian Prime Minister Najib Razak, diplomatic corps, foreign ministers, mga opisyal ng gobyerno at iba pang VIPs para sumaksi sa Bangsamoro peace pact.
Ayon kay Mayor ang NCRPO katuwang ang Presidential Security Group (PSG) ang pangunahing naatasang mangalaga sa seguridad gayundin sa mga dayuhang opisyal at kinatawan ng ibang bansa na naka-billet sa mga hotel kabilang ang Sofitel sa Pasay City.
Kabilang naman sa mahigpit na babantayan laban sa grupo ng mga raliyista ang kahabaan ng Chino Roces Bridge at Nagtahan Bridge at maging sa bisinidad ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Samantalang ang Highway Patrol Group (HPG) ang magbibigay ng ‘mobile escorts’ sa mga bus na susundo at sasakyan ng mga dadalo mula sa paliparan, Sofitel patungong Malacañang.
- Latest