Kinidnap na Chinese student nakatakas
MANILA, Philippines - Matapos ang isang araw na pagkakabihag, nagawang matakasan ng isang engineering student na anak ng mayamang mag-asawang Chinese ang kaniyang mga kidnapper nang ito ay tumalon sa talampas sa Diplahan, Zamboanga Sibugay kamakalawa.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 9 Spokesman, Chief Inspector Ariel Huesca ang nasabing kidnap victim na si Stephen Tan, 19 anyos.
Ang biktima ay kinidnap ng mga armadong lalaki at puÂwersahang isinakay sa isang kulay abong Ford (KGS 123) sa Brgy. Gatas, Pagadian City noong Pebrero 27 ng gabi.
Sa salaysay ng biktima sa mga awtoridad, piniringan umano siya ng mga kidnapper at pinaglakad ng malayo kung saan ng makasilip ng pagkakataon ay tinanggal niya ito saka tumalon sa isang talampas (matarik na bundok) na ang babagsakan ay ilog.
Hinabol ng mga kidnapper ang biktima pero nagawa nitong makapagtago sa madamong bahagi sa lugar at ng wala na ang mga suspek ay saka ito lumabas at naglakad nang malayo.
Nagawa namang makahingi ng tulong ng biktima sa bahay na nakita nito sa lugar na pag-aari ni Clarito Ferrarin na tumawag sa mga awtoridad at sa alkalde ng Diplahan, Zamboanga Sibugay.
Ipinasundo naman ng alkalde ang biktima bago ito itinurnover sa mga elemento ng Anti-Kidnapping Group at ligtas naman itong naihatid sa kaniyang pamilya.
Pinaghahanap na ng puÂlisya ang mga kidnapper ng biktima upang panagutin sa batas.
- Latest