‘David Tan’ no show sa Senado
MANILA, Philippines — Hindi sumipot ang negosyanteng si Davidson Bangayan, na itinuturong nasa likod ng rice smuggling sa bansa, sa pagdinig ng Senate Committee Agriculture and Food ngayong Lunes.
Sinabi ng abogado ni Bangayan na si Benito Salazar na kasalukuyang naka-confine ang kanyang kliyente sa Laoag General Hospital dahil sa pananakit ng likod.
Banggit ni Salazar na nagbuhat ng mabigat na bagay si Bangayan na nagresulta sa pananakit ng likuran at kahirapan sa paglalakad.
Kaugnay na balita: Kasong perjury isinampa ng Senado vs. Bangayan
Aniya handa siyang magpakita ng medical certificate upang patunayang hindi talaga kaya ni Bangayan na makadalo sa Senado.
Nitong Pebrero 7 ay kinasuhan ng Senado si Bangayan ng perjury sa National Prosecution Service dahil sa umano’y pagsisinungaling tungkol sa pagkakakilanlan ng itinuturong nasa likod ng bilyung-bilyong rice smuggling na si David Tan.
Itinanggi ni Bangayan na siya si David Tan.
Inaresto rin ng National Bureau of Investigation si Bangayan para sa kasong electricity pilferage ngunit kaagad din siyang nakalaya matapos magbayad ng piyansa.
- Latest