Dagdag ayuda hirit ng UN sa Bohol quake victims
MANILA, Philippines - Muling umapela ang United Nations (UN) sa mga bansang kasapi nito na maglaan pa ng karagdagang tulong para sa matitirhan ng 360,000 Pinoy na nasalanta ng 7.2 magnitude na lindol sa Central Visayas ng nakalipas na taon.
Nanawagan ang UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) sa mga donors na punuan ang $19 milyon o tinatayang P885 milyon mula sa $33.8 milyong revised Bohol action plan upang maibigay ang mga pangangailangan ng hanggang Abril para sa apektadong mga lugar.
Nakapagbigay na ang international community ng donasyon na umaabot sa $15.1 milyon para sa naunang UN recovery programs sa tinamaan ng lindol.
Prayoridad umano ngayon ng UN na mabigyan ng tirahan ang mga nawalan ng bahay at ilagay sila sa mas ligtas na lugar bunsod ng lindol sa Bohol na tumama noong Oktubre 15 at sinundan ng super typhoon Yolanda noong Nobyembre 8.
May 367,580 residente sa Central Visayas ang nagsilikas matapos masira ang may 79,217 tahanan at may 4,617 ding paaralan ang nawasak ng lindol.
- Latest