MANILA, Philippines - Kahit nakapagbayad na ng P32-milyon, nanindigan ang Bureau of Internal Revenue na aabot pa rin sa mahigit P2-bilyon ang utang sa buwis ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares, sa isinapinal na kumputasyon lumalabas na nasa P2.2 bilyon pa ang tax deficiency ni Pacquiao.
Paliwanag ni Henares, ang ibinayad ni Pacman ay kabayaran lamang sa value added tax at VAT surcharge na bahagi ng utang sa buwis ng kongresista para sa taong 2008 at 2009.
Nauna nang nagpalabas ang BIR ng warrant of distraint and levy laban sa mga bank account ni Pacman dahil sa kabiguan umano nitong bayaran nang tama ang kanyang buwis.
Dahil sa warrant of distraint and levy o WDL hindi maaring magalaw ang pera ni Pacquiao sa mga bangko na sakop ng nasabing direktiba.
Iginiit naman si Pacman na nagbayad siya ng tamang buwis mula sa kanyang mga laban kay Ricky Hatton, Oscar dela Hoya, David Diaz at Miguel Cotto sa Estados Unidos at katunayan, may inisyu pa umanong dokumento ang kanyang promoter na Top Rank na isinumite sa BIR para patunayan na naikaltas ng US Internal Revenue Service ang buwis mula sa kinita ni Pacman.