PCG nagbabala vs overloading sa mga barko
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine Coast Guard sa mga pampasaherong barko na huwag samantalahin ang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season sa pagpapasakay ng higit sa itinatakdang kapasidad upang huwag silang maabala o mapatawan ng parusa.
Ayon kay Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, mahigpit na silang nagpapaalala sa mga may-ari o operator ng mga shipping company sa bansa na huwag mag-overloading sa bilang ng pasahero at bigat ng kargamentong higit sa authorized capacity ng mga barko. Ito ay upang maiwasan ang anumang insidente sa karagatan tulad ng peligrong lumubog.
Ani Balilo, tatlo nang pampasaherong barko na pagmamay-ari ng Aleson Shipping Lines Inc. ang pinigil ng Coast Guard nang madiskubre na hindi kumpleto ang pangalan ng mga pasahero na nakalista sa manipesto.
Kabilang na rito ang MV Stephanie-Zamboanga na may sakay na 272 pasahero na hindi nakatala sa manipesto nuong Disyembre 23; gayundin ang MV Ciara Joie Two na may 118 na sobrang pasahero at MV Trisha Kerstin One na may sakay namang 79 na sobrang pasahero.
Kasabay nito, umapela si Balilo sa publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang alinmang barko na lumalabag sa patakaran kontra sa overloading para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga biyahero.
- Latest