MANILA, Philippines - Tukoy na umano ng binuong Task Force Talumpa ang pagkakakilanlan ng gunmen na namaril at nakapatay kay dating Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa at sa tatlo pang katao sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong nakaraang Biyernes.
Tumanggi naman si Southern Police District deputy director for operations Sr. Supt. Billy Beltran, pinuno ng Task Force, na magbigay ng ibang detalye upang hindi maantala ang ikinasa nilang mga operasyon upang madakip ang mga ito.
Bukod kay Talumpa, nasawi rin ang kanyang misis na si Lea, pamangkin na si Saripundon Talumpa at 18-buwang gulang na batang si Phil Thomas Lirasan.
Malubhang nasugatan naman ang isa pang pamangkin ni Talumba na si Romaida Talumpa; ina ng nasawing sanggol na si Mary Anne Lirasan, 28; Amalia dela Cruz Lirasan, 58 at Dianne Philip Uy, 3.
Sinabi ni Beltran na planado ang pamamaril at bihasa sa paggamit ng kalibre .45 ang gunman. Kaya umano nito na magpalit ng magazine ng baril ng mabilisan matapos na nasa 17 basyo ng bala ang marekober sa lugar ng krimen.
Idinagdag pa nito na kabilang sa anggulong tinitignan nila ang political rivalry sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng pulisya, matindi ang banggaan ng pamilÂya Talumpa at ng angkan ni dating Labangan Mayor Wilson Kity Nandang na sangkot rin sa “clan warâ€.
Nabatid na ang ambush ang ikatlong tangka sa buhay ni Talumpa. Una ay noong 2010 sa Malate, Maynila nang hagisan ang kanilang sasakyan ng granada at ikalawa sa Pagadian City noong 2012. Napag-alaman naman na nasawi ang isang anak na lalaki ni Nandang sa pananambang sa Sultan Naga Dimaporo sa Lanao del Norte nitong buwan ng Setyembre.
Samantala, naiuwi na sa Zamboanga del Sur ang mga labi ng mag-asawang Talumpa upang doon ihimlay.