25 katao huli sa looting ng relief goods

MANILA, Philippines - Umaabot sa 25 katao na karamihan ay mga pekeng volunteers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasakote ng mga sundalo matapos mahuling nagnanakaw ng bahagi ng bultu-bultong relief goods na nakaimbak sa grandstand ng Philippine Air Force (PAF) sa Villamor Air Base, Pasay City kahapon.

Sinabi ni PAF Spokesman Col. Miguel Ernesto Okol, ang mga nahuli ay mga pekeng survivors/evacuees at pekeng vo­lunteers ng DSWD na nagpapanggap na magsasagawa umano ng distribusyon ng relief goods na karamihan ay donasyon ng mga dayuhang bansa sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ilan sa mga looters ng relief goods ay may dala pang mga sasakyan, isa rito ay may red plate na SKR 55 na naharang ng mga sundalo na nagbabantay sa gate palabas ng kampo ng PAF.

Isinumbong naman ng mga lehitimong volunteers ng DSWD na nagbabantay sa mga relief goods ang hindi mga kilalang kawatan na basta na lamang nagdadamputan saka nagbibitbit ng sob­rang dami ng mga food packs.

Nadiskubreng mga residente mula sa Pasay City ang mga nagtangkang magnakaw ng mga relief goods.

Kasong qualified theft ang isasampa ng PAF laban sa mga ito.

Show comments