Emergency Response Department pinabubuo

MANILA, Philippines - Dahil kalimitan ng tinatamaan ng kalamidad ang bansa, iginiit ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang pagtatayo ng bagong departamento ng gobyerno na tatawa­ging Emergency Response Department.

Sa Senate Bill 1940 na inihain ni Cayetano, sinabi nito na dapat magkaroon ng isang ahensiya ng gobyerno na ang ta­nging trabaho ay tutukan at paghandaan ang mga dumarating na mga kalamidad sa bansa.

Magiging trabaho rin ng nasabing departamento ang pag-iisip ng solus­yon sa mga problemang dala ng mga kalamidad at ang mga dapat ipatupad na mga “risk reduction at management measures.

Sakaling maging batas, ang nasabing departamento ay pamumunuan din ng isang opisyal na may ranggo ng Cabinet Secretary.

Naniniwala si Caye­tano na kung may partikular na departamento sa gobyerno para sa kalamidad, hindi na magtuturuan ang mga opis­yal ng pamahalaan kung kaninong responsibilidad ang paghahanda o ‘disaster preparedness sa loob ng buong taon.

Magkakaroon na rin umano ng mas malaking pondo para sa “disaster preparedness” at ang nasabing departamento na rin ang hahawak ng mga donasyon at pondo tuwing  may kalamidad upang magkaroon ng accountability at matukoy kung saan napunta ang public funds at maging ang mga donasyon.

Ang nasabi ring departamento ang gagawa na ng trabaho ng NDRRMC at Office of Civil Defense na may kaugnayan sa disaster risk reduction and management .

Show comments