P10-B sinira ni Yolanda!
MANILA, Philippines - Habang patuloy na umaakyat ang bilang ng namamatay sa bagyong Yolanda, pumalo na rin sa halagang P10 bilyon ang nawasak sa nangyaring trahedya.
Sa huling update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 3,681 ang death toll habang 12,544 ang sugatan at 1,186 ang nawawala.
May kabuuang 2,178,156 pamilya o 10,154,357 tao ang naapektuhan sa 10, 276 barangay sa may 44 probinsya, 571 munisipalidad at 57 siyudad sa Regions 4-A, 4-B, 5, 6, 7, 8, 9, 11 at Caraga.
May 72,986 pamilya o 349,870 tao ang nanunuluyan sa may 1,530 evacuation centers.
Habang umabot na sa P10,339,290,061 ang nasira, kabilang ang P1,250,108,600 sa imprastraktura at 9,089,181,461 sa agrikultura.
Dagdag pa dito, winasak din ni Yolanda ang 272,087 mga bahay at sinira ang may 271,040 iba pa.
Nararanasan pa rin sa ibang lugar ang kawalan ng suplay ng kuryente partikular sa ilang lugar sa Southern Luzon, Bicol, at WesÂtern, Central at Eastern Visayas.
Ilang lokal na pamahalaan sa Capiz at Iloilo at sa bayan ng Barbaza sa Antique ay wala pa ring tubig.
Iniulat din kahapon ng NDRRMC na umaÂbot na sa kabuuang P119,202,306.25 halaga ng tulong o relief assistance mula sa DSWD, local government units, DOH at non-government organizations ang naibigay sa mga naapektuhang rehiyon.
Kabuuang 22,730 personnel, 1,285 sasakyan, 77 sea crafts, 110 aircraft at 27,237 iba pang kasangkapan mula sa national at local agencies, responders at mga volunteer group ang ipinadala.
Ipinadala rin ang may 23 foreign medical teams sa mga munisipalidad sa may Western, Central at rehiyon sa Eastern Visayas.
- Latest