7 sasakyan nagsalpukan: 20 patay!

MANILA, Philippines - Dalawampu katao ang kumpirmadong nasawi habang 57 naman ang nasu­gatan makaraang magsalpukan ang pitong sasakyan sa Diversion Road ng Bgy. Sta. Catalina, Atimonan, Quezon nitong Sabado ng madaling araw.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Jonar Yupio, hepe ng Atimonan Police, bandang ala-1 ng madaling araw ng maganap ang karambola ng sasakyan sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan sa lugar.

Ayon kay Yupio, patu­ngo sa Bicol ang Superlines Bus na may body number 441 na minamaneho ni Albert Nava, 48. Pagsapit umano sa madilim na bahagi ng zigzag road ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver dahil sa dulas ng kalye at tuloy-tuloy na binangga ang kasalubong na dalawang forward truck (TXB-402) at (RMD-880) na minamaneho nina Fructoso Romeral ng San Pedro, Laguna at Jose Sandi ng Angono, Rizal.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang dalawang forward sa sumusunod na DLTB Bus (UYK-669) na minamaneho ni Edgar Onguit at trailer truck (RMK-220) ni Renebor Mayic ng Bulacan at dalawang pang sasakyan na Isarog (TYX985) at isang wing van truck.

Kinilala ang mga namatay na sina John Omar Talicol, 33 ng Cavite; Nexter Camacho, Maria Teresa Diesmo, Perpecto Zano, Henry Malaluan, Ronnie Villeja, Noel Nunez, Danilo Espencilla, Michael Villamor, Ibjn Rajik, at Muksan Seno habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng siyam na iba pa.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Doña Martha Hospital sa Gumaca, Quezon ang mga nasugatang sina Jonel Paunil, Gracile Paunil, Realyn Elot, Rosalie Lalones, Alena Maria Gano, Eelen Olet, Carl Francis Bacarro, Michael Gano, Nestor Chavez Jr., at Charlemagne Urena.

Sa Emil Joana Hospital sa Atimonan dinala ang iba pang mga nasugatan na ang 10 dito ay nakila­lang sina Rodrigo Florendo, Adelym Friego, Raymund Vejerano, Divina Solarez, Laurence Pagaduan, Ginia Yagual, Kenjie Yagual, Wilfredo Serrano Jr. at Delia Serrano habang ang iba pa ay dinala sa ibang ospital sa Gumaca at sa Lucena City.

Sinabi ni Yupio na 19 sa nasawi ay dead-on-the-spot sa insidente at pawang mga pasahero ng Superlines bus na hinihinalang natutulog ng maganap ang sakuna. Habang ang isa ay namatay na sa ospital. Nahirapan din ang mga rescuer na kunin ang mga biktima at mga nasugatan dahil sa matinding pagkakaipit ng kanilang mga katawan sa mga nayuping sasakyan.

Ayon pa sa imbestigasyon, karamihan sa mga pasahero na taga Bicol Region ay mula sa Capalonga, Camarines Norte na mga empleyado ng munisipyo sa nasabing bayan at pauwi na matapos na dumalo ng seminar.  

Samantala, nakatakdang patawan ng 30-days Preventive Suspension Order ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang Superline bus na nasangkot sa madugong vehicular accident. (Dagdag ulat ni Angie dela Cruz)

 

Show comments