MANILA, Philippines - Hindi naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) kaugnay sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na nilikha ng kasalukuyang administrasyon noong 2011 matapos ang isinagawang en banc session ng mga mahistrado.
Batay sa napagkasunduan, itinakda ang oral argument sa Oktubre 22, 2013 alas-2:00 ng hapon.
Una nang naghain ng 26-pahinang petisyon si dating Manila Councilor Greco Belgica sa SC kung saan hiniling nito na ideklara ng korte na unconstitutional ang DAP at dating Iloilo Rep. Augusto “Buboy†Syjuco Jr. na kumukwestiyon sa legalidad nito.
Umaabot sa 14-pahinang petition for certiorari ang inihain ni Syjuco laban sa mga respondent na sina Budget Secretary Florencio “Butch†Abad at Senate President Franklin Drilon.
Ang DAP ay hinihinalang ginamit bilang umano’y reward para sa mga senador na bumoto para sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong nakaraang taon.
Sinasabing ang mahigit P1 bilyon pondo ng DAP na ipinalabas ng Palasyo sa mga senador ay labag sa Section 25 ng Article 6 ng Konstitusyon kung saan ipinagbabawal ang pagpasa ng batas na magpapahintulot ng paglilipat ng appropriations na inilaan sa isang partikular na ahensya.
Sa kaso umano ng DAP, maituturing na may paglabag ang paglipat ng pondo dahil ang pondong inilipat sa legislative branch ay galing sa ehekutibo.
Nauna nang tinukoy ng constitutionalist na Fr. Joaquin Bernas na ang pagbuo ng DAP ay labag sa Saligang Batas dahil nililimitahan lamang ng Konstitusyon ang kapangyarihan ng Pangulo na magre-align ng savings sa mga gastusin na tinukoy sa general appropriations.