MANILA, Philippines - Umaabot sa 5,593 law graduates ang dumagsa kahapon sa University of Santo Tomas kaugnay ng pagsisimula ng annual Bar examinations.
Ang 112th Bar exams ay isasagawa sa apat na Linggo ng Oktubre.
Alas-4 pa lamang ng madaling araw ay nagdatingan na ang mga examinees gayundin ang mga tagasuporta sa bar ops mula sa Mindanao, Iloilo at Isabela.
Isinalang ang Political Law at Labor Law exam kahapon.
Naging maayos naman ang paligid bunsod na rin sa mahigpit na seguridad.
Una nang sinabi ni Manila Police District-Deputy District Director for Operations Sr. Supt. Joel Coronel na nagtalaga sila ng 130 pulis sa tatlong Linggo ng Bar exams kung saan sa ika-apat na linggo ay aabot na sa 260 ang ipakakalat na pulis.
Aniya, kailangan na matiyak ang seguridad ng mga examinees at supporters.